Saturday, June 25, 2011

Ang Huling El Bimbo.



Twelve years. Panahon ba ang sukatan para tawagin mo ang isang tao na "Matalik na Kaibigan".

Isang Maaraw na hapon yun sa pagkakatanda ko, andun ako sa bahay namin sa probinsya tinawag ng lola ko ang isang bata, pinakilala sakin ang sabi tiyuhin ko daw sa dugo, pero tatlong araw ang itinanda ko sakanya. Nung mga panahong iyon masasabi kong isa syang "estranghero", nagkatinginan lang kami, nagbigayan ng simpleng ngiti at pagbati gamit ang mga utak, hindi ko sukat akalain na siya na pala ang "kaibigang" habangbuhay ko nang tatanawin.

Dumating ang eskwela, nag enroll ako sa local na elementarya ng aming barranggay, nakita ko ulit ung bata. Kaklase ko pala sya.Sa harap sya nka upo ako naman sa likod, pero iniisip ko noon na pinakilala na kami dati, baka naman sya ang unang babati sakin. Hindi pala. Nahihiya siyang lumapit sakin. Nagdaan ang ilang mga buwan tinatanaw ko siya lagi sa maliit naming bintana, papunta siyang plaza dala-dala ang bola nya habang ako libro ng kaalaman ang hawak sa bawat araw na nagdadaan. Natuwa ako bigla nung nalaman kong minsan lang pala sya mag laro, nanood lang siya. Wala pa akong masyadong kaibigan nung mga panahon na iyon pero sabi ko sa sarili ko magiging kaibigan ko din sya. Saludo ako sa talino ng batang yun, isa siya sa mga hinahangaan ko ang pagintindi ng mga bagay bagay. Lagi siyang nakakakuha ng Unang Parangal kapag "Recognition Day" na. Nagkaroon ako ng selos, bakit siya lagi, sinubukan kong tapatan siya o di kaya'y lagpasan pa, ngunit nabigo ako. Halo siya ng Talino at Sipag, hindi ko siya kaya.

Naalala ko nung sinubukan kong makihalubilo sakanya, sumali ako sa mga laro na "inimbento" daw niya, isa na dun ang "Libagan" (Batuhan ng Bola), Naglalaro din kami nun ng "Baseball" sa likod ng aming paaralaan. Pero sa ideya na ginusto ko siyang maging kaibigan, iba ang ginawa ko, sinaktan ko siya, naging bangungot ako ng kanyang pagkabata. Bully kung tawagin, iyakin kasi siya. Sa pelikula kasi ng buhay namin noon, siya ang "Bida" ako naman ang "Kontrabida" ganun lagi ang konsepto ng araw araw na nagdaan.

Nang papasok na kami sa High School, pinadala ako sa Maynila para dun ipagpatuloy ang aking pag-aaral, Nagkaroon kami ng "Cut" sa pelikula ng buhay. Nakalipas ang Dalawang Taong ko sa High School, bumalik ako sa probinsya upang tapusin ang ikatlo at ika apat na lebel ng Mataas na Paaralan.

Natatakot ako nun at kikabahan nung unang araw ko sa paaralan niya, nung ipinakilala na ako ng aming guro sa klase nila, siya agad ang tiningnan ko, sa harap ulit sya naka upo, bandang gilid. Mas pinili kong umupo sa bandang gitna, sinulyap niya ako, nagbigay siya ng ngiti saakin at binigyan ko din siya ng ngiting nagagalak. Yun na pala ang simula ng pangalawang yugto ng pelikula ng buhay naming dalawa.

Pinatibay ng karanasan ang aming pagkakaibigan, sabay naming sinayaw ang mga hamon ng buhay, magkahawak kami ng kamay, minsan bumitaw pero di nagtatagal nagkikita muli ang mga palad namin, dun namin naiisip na hindi pala kami nag iisa.

Ginawa kong pangalawang bahay ang bahay ng batang una kong nakita na nagpapalipad ng sarangola sa labas ng bahay namin bago siya ipakilala sakin. Kasama niya ko nung unang gabing gumapang siya sa kalasingan. Kasama niya ko.

Naalala ko na may tinatambayan kami nun sa may daungan ng barko, sa tindahan na laging sarado pag pupunta kami, rinig ng upuan, bakal, at takip ng tindahan ang mga problema namin sa buhay, pag pinaguusapan ang mga bagay bagay sa paligid, mula sa pag-ibig hanggang sa poblema sa pamilya. Pinakinggan namin ang tinig ng bawat isa, Binigyan namin ang isa't isa ng balikat na iiyakan kung hindi na kaya ng labing nagkukwento, Nabuo dun ang mga pangarap namin. Ano man ang gusto naming maging pagtanda, mga plano, mga pananaw, dun kami para sa isa't isa, Nakikinig.

Ang dami na naming pagkakataon na nasukat ang tiwala at pagmamahal ng isang kaibigang hihigit pa sa anumang pagmamahal ng mundo.

Nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan, ganun din ako. Ngunit sa mga panahong kami nalang ang magkasama, hindi parin mawawala ang koneksyon naming dalawa, ang mga tinig naming kami lang dalawa ang nakakarinig. Ang mga salitang pawang kami lang dalawa ang nakakaintindi. Mahal na mahal na mahal na mahal ko siya, hindi ko man sabihin sakanya pero mahal na mahal ko siya, sobra pa sa mga taong inibig ko bilang kapareha.

Sa lahat ng kagaguhan magkasama kami, sabay kaming umiyak, tumawa, nangarap. Sabay kaming lumaki at nagka isip. Sumayaw kami sa tugtog ng buhay ng walang pagaalinlangan, dahil magkasama kaming umiindak. Ang batang iyong palang nakilala ko labin dalawang taon na ang nakalilipas ay ang taong pinangakuan ko ng habang buhay na pagkakaibigan.

Nagkulang ako, naging madamot ako sa batang iyon, sa ginusto kong hindi siya mawala sakin, hinigpitan ko ang hawak ko sa sayaw namin, nasasakal ko na pala siya. Nasaktan ko na pala siya. Paulit ulit kong tinapakan ang paa niya sa sayaw ng buhay namin, nasaktan ko na pala siya. Niluwagan ko ang hawak ko sakanya, iyon pala ang magiging dahilan ng mas malalim pa niyang maintindihan ang sayaw ng buhay, natuto siyang tumayo, lumaban, at mag taas ng noo. Doon niya nakita ang napakaraming opurtunidan sa mundo. Sabi ko sa sarili ko "Aba, hindi ko napansin, malaki na pala ang aking kaibigan". Binigyan ko siya ng panahong kilalanin niya ang kanyang sarili, tinulungan ko siyang makita ang kaligayahan ng pagiging indibidual sa puso at sa isipan.

Dumating ang di inaasahan. Hindi pala totoo ang "Habang-Buhay".

Ang Huling El Bimbo. Eto na marahil ang huling yugto ng sayaw namin, tapos na din ang pelikula namin.

Ngayon nabigyan na ng tuldok ang aming koneksyon sa isa't isa. Masaya na siguro siyang tapos na ang matagal tagal na pag indak namin sa tugtog ng pangarap. Kung sa pelikula naman namin eh nasa "Credits" na kami.

Masasabi kong hinding hindi ka mapapalitan sa puso ko, may permanente ka nang kwarto dito. Sayo lang ako makikipagsayaw ulit. Malungkot man pero "Paalam, Matalik kong Kaibigan", hanggang sa susunod na tugtog. Ikaw parin ang pipiliin kong makapareha, wala nang iba.

Ang batang nakilala kong nagpapalipad ng sarangola sa mainit na hapon, ang batang sobrang daming pangarap at ang batang may paninindigan. Malaki na pala.



P.S.

No comments:

Post a Comment